Higit 5M estudyante posibleng di makapag-aral sa papasok na school year

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 06:47 PM | Updated as of Jul 05 2020 08:48 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng umabot sa mahigit 5 milyong estudyante ang hindi makapag-aral sa papasok na school year batay sa pagtataya ng Department of Education. 
 
Kung susumahin, lumalabas na nasa 5.4 milyong kabataan ang hindi makakapag-aral ngayong taon, kung susundan ang kanilang target sa papasok sa school year. 

Target ngayon ng gobyerno na makapagpa-enroll ng 80 porsiyento ng bilang ng mga estudyanteng nag-aral noong nakaraang taon. Sa datos ng DepEd, lumalabas na nasa 27 milyong estudyante ang nag-enroll noong nakaraang taon. 

At kung susumahin, aabutin ng 21.6 milyon ang mag-aaral na target ng DepEd na makapag-enroll sa papasok na school year, at nasa 5.4 milyon ang posibleng hindi makapag-aral sa parehong panahon, kung susundan ang komputasyon. 

Para matugunan ito, hinimok ng gobyerno ang pagsabak sa Alternative Learning System. 

Bumuwelta naman ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa DepEd dahil tila pinupuwersa nila ang mga gurong lumabas at makapagpa-enroll ng mga bata. 

"Ito ang reklamo ng ilang teachers sa Regions 3, 5, 8, 7, 10 na kino-quota sila ng mga students sa bilang ng mga enrolees. Pinapanakot sila na kapag di na abot ang quota ay ililipat ng eskwelahan. Ang resulta… Ang mga teachers ay takot at aligaga kahit may banta ng COVID-19," ani Raymond Basilio, Secretary-General ng ACT. 

Bagay ito na pinabulaanan ng DepEd. 

Sa ngayon, tuloy ang simulation ng distance learning sa mga paralan, ayon sa ahensiya. 

— Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.