Higit 300 Pinoy mula Sabah nakarating na sa Tawi-Tawi

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 03:43 PM | Updated as of Jul 04 2020 06:51 PM

TAWI-TAWI--Nasa 306 na mga Pilipino galing Sabah ang dumating nitong Sabado ng umaga sa Tawi-Tawi sakay ng MV Antonia.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development sa Region 9 (DSWD-9), mula sa barko ay pinasakay ang mga Pilipino sa isang bangka para makarating sa pantalan.

Ang mga Pilipino ay nanirahan sa Sabah, isang teritoryo na kontrolado ng Malaysia kung saan may claim din ang Pilipinas. 

Ayon kay Ivan Eric Salvador, spokesperson ng DSWD-9, isang assessment ang isinagawa sa mga Pilipino para malaman kung anong tulong ang maibibigay ng pamahalaan sa kanila. Namahagi rin ng mga food packs at hygiene kits ang DSWD.

Bago dumating ang mga Pilipino sa Tawi-Tawi, inihanda na ng provincial government ang mga pasilidad kung saan tutuloy ang mga ito para sa kanilang 14-day quarantine. Mananatili muna sila dito bago sila pauwiin.

Bukas, Linggo, inaasahang darating sa Zamboanga City ang MV Antonia dala ang iba pang galing Sabah na taga-Zamboanga Peninsula.

Sa tala ng DSWD, nasa 5,000 Pilipino mula Sabah ang uuwi sa kani-kanilang bayan sa buwan na ito.

Samantala, bumisita rin nitong Sabado ng umaga sa Tawi-tawi sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Presidential Spokesperson Harry Roque, IATF-IED Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at iba pang opisyal ng DSWD para kamustahin ang sitwasyon ng mga dumating na Filipino returnees.

Sa ngayon nasa Provincial Isolation facility na ang 306 Filipino returnees para sa kanilang 14 day Quarantine.