Dating pulis, 1 pa patay sa engkuwentro sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 10:15 AM | Updated as of Jul 04 2020 06:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dead on the spot ang isang dating pulis at isa pang lalaki na umano'y sangkot sa mga insidente ng pandurukot matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Binangonan, Rizal, Sabado ng madaling araw. 

Kinilala ang napatay na suspek na si dating patrolman Ralph Maray, habang wala pang pagkakakilanlan ang isa pang suspek.

Ayon kay Police Maj. Rannie Lumactod ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (AKG), ilang araw nilang isinailalim sa surveillance operation ang Mabuhay Homes sa Barangay Pantok, Binangonan, Rizal dahil na rin sa mga naitalang insidente ng pangingidnap.

Nagsagawa ng security assistance ang mga tauhan ng PNP AKG at mga pulis sa bayan nang maispatan nila ang isang kahinahinalang puting van. 

Na-intercept ng awtoridad ang van pero agad umanong nagpaputok ang mga sakay nito at nauwi sa palitan ng putok sa pagitan ng mga hinihinalang kidnapper at pulis. 

Dead on the spot si Maray at isa pa habang nakatakas naman ang iba pang sakay ng van. 

Ayon kay Lumactod, sangkot ang grupo ni Maray sa pagdukot sa tatlong kabataan sa naturang subdivision noong Hunyo 3 at nanghingi ng ransom na P200,000. Naibigay na umano ang ransom pero hindi pa ibinabalik ang mga dinukot na kabataan. 

Ayon naman kay Police Lt. Col. Ferdinand Ancheta, hepe ng Binangonan police, matagal nang may record sa kanila ang grupo ni Maray sa mga kasong extortion at kidnapping.

Dating na-assign si Maray sa intelligence unit ng Rizal provincial police hanggang ililipat sana sa Bangsamoro regional police dahil sa reklamong extortion nang agad itong mag-AWOL (absent without leave) 

Na-dismiss si Maray sa PNP noong 2017 at simula noon ay nasangkot na umano sa mga robbery at kidnapping.

- Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.