Barangay sa Davao City, ni-lockdown dahil sa tumaas na bilang ng COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 06:00 PM

DAVAO CITY -- Simula nitong Sabado ng hapon isinailalim sa 14 na araw na lockdown ang Barangay 23-C sa lungsod na ito, matapos tumaas ang kaso ng COVID-19.

Kaya't karamihan sa mga residente ay bumili na ng mga pagkain.

Ang ibang mga negosyante ay maagang nagsara ng kanilang tindahan at maaga rin umuwi sa kanilang bahay.

Nabanggit na ni Mayor Sara Duterte noong Biyernes ng hapon pa lang sa isang lokal na government radio program na posibleng magsagawa ng lockdown dahil sa mataas na bilang ng nagkakasakit sa barangay.

Kaya naman inabisuhan ng alkalde ang lahat na iwasan muna ang pumunta sa barangay.

Sa kabuuan, may 88 residente sa 23-C ang nagpositibo ng COVID-19. Dalawa rito ang naitalang namatay.

Lima naman ang na-discharge nitong Biyernes sa isolation facility ng Southern Philippines Medical Center. -- Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.