4,000 pang stranded individuals inaasahang makakauwi sa kani-kanilang probinsiya

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 07:35 PM

MAYNILA--Inaasahang makakauwi ngayong Sabado ang aabot sa 4,000 locally stranded individuals, sa ilalim ng "hatid-tulong" initiative ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon kay Presidential Management Staff Assistant Sec. Joseph Encabo, karamihan sa halos 4,000 locally stranded individual na kasalukuyang nasa Quirino Grandstand ay uuwi ng Visayas at Mindanao.

"Kapag kayo ay categorized as locally stranded individual at kayo ay inendorso ng inyong LGU at ng ahensya ng gobyerno, private sector o concerned individual, at kayo ay na validated ng aming tanggapan ng technical group at secretariat, kayo po ay aasikasuhin sa pamamagitan ng text advisory," ani Encabo. 

"Kailangan lamang sagutin ang mga kailangang impormasyon at pagkatapos nyan magkakaroon uli ng advisory kung kailan ang schedule ng biyahe."

Isa sa mga nag-aabang ng sakay si Marissa Joy, na Marso pang na-stranded sa Metro Manila. 

Dahil wala namang mapapasukang trabaho, hangad niyang makauwi ng probinsya.

"Hindi maganda dito, mahirap kasi nangungupahan lang kasi ako tsaka isa pa hindi naman nagbukas yung company namin kaya kailangan ko nang umuwi," aniya. 

Sa pila ng mga tinatawag na locally stranded indivjdual sa Quirino Grandstand, susuriin muna ang temperatura ng mga naka-schedule na makauwi ng probinsya. 

Kung sakaling may lagnat, may medical team sa lugar na susuri sa kalusugan ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.