Ilang residente ng Zamboanga City binaha, nasunugan

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 12:12 AM | Updated as of Jul 04 2019 06:27 AM

Nalubog sa baha ang ilang barangay ng Zamboanga City nitong Miyerkoles pagkatapos bumuhos ang malakas na ulan na dulot ng low pressure area sa Zamboanga Peninsula. 

Ilang mga motorista ang nahirapang dumaan sa mga kalsada at lumusong na lang ang ibang mga residente para makatawid.

Ayon sa PAGASA, nakakaranas ng malakas na ulan ang Zamboanga Peninsula dahil sa epekto ng low pressure area at localized thunderstorms.

Pinag-iingat naman ang mga residente na maging mapagmasid at i-check ng maigi ang mga koneksiyon ng kuryente lalo't maulan na.

Samantala, nawalan ng bahay ang isang residente sa Barangay Pasonanca pasado pasado 7:00 ng gabi pagkatapos masunugan. 

Ayon sa may-ari ng bahay, abo na lang ang kaniyang nadatnan nang bumalik siya sa bahay. Hindi nakatulong ang malakas na buhos ng ulan na maapula ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay.

Wala namang tao umano sa bahay ng mga oras na nagsimula ang sunog.

Nasunugan rin ang isang residente sa Barangay Canelar pagkatapos lumiyab ang kable ng kuryente na nasa taas lamang umano ng bahay nito. - Ulat ni Jewel Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.