1 patay, 7 sugatan sa aksidente sa Zamboanga

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 11:42 AM

Nagpagulong-gulong pa ang van matapos na mahulog sa gilid ng highway na may limang metro ang lalim. Chrisel Almonia, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Patay ang isang pasahero habang sugatan ang 7 iba pa matapos maaksidente ang sinasakyan nilang pampasaherong van sa highway ng Barangay Culianan, Huwebes ng madaling araw.

Nakilala ang nasawing biktima na si Jose Sony Veleriano Falmes, security guard ng isang mall.

Ayon kay Police Staff Sergeant Bernardo Andres Jr, papuntang east coast ng Zamboanga ang nasabing behikulo sakay ang 8 pasahero.

Mabilis umano ang takbo ng behikulo at madulas din ang daan dahil sa malakas na ulan. Nawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan na naging dahilan para mahulog ito sa gilid ng highway na may 5 metro ang lalim.

Nagpagulong-gulong pa umano ang van bago tuluyang huminto.

Nakakulong na ngayon sa Police Station 4 ang driver na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries.

Anim sa mga pasahero na dinala sa ospital ay nakalabas rin kaagad habang ang isa ay patuloy na ginagamot dahil sa mga natamong sugat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.