Provincial buses, bawal na sa EDSA tuwing rush hour simula Agosto 1

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 10:14 PM | Updated as of Jul 03 2019 12:00 PM

Watch more in iWantTFC

Upang maibsan umano ang problema sa masikip na trapiko, ipagbabawal simula Agosto 1 sa EDSA ang mga provincial bus tuwing rush hour, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Hindi makatatawid ang mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at alas-sais ng gabi hanggang alas-nuwebe ng gabi.

Hanggang Pasay lang pahihintulutang bumiyahe ang mga bus na magmumula sa timog ng EDSA habang hanggang Cubao na lang iyong mga galing norte.

"Ayaw naming makaapekto sa hanapbuhay, ayaw din naming makaapekto sa mga mananakay, kaya lang sino ba iyong mas mag-ge-gain? 'Yong mas madaming tao, 'yong 300,000 sasakyan na dumadaan sa EDSA everyday," sabi ni MMDA general manager Jojo Garcia.

Mababawas ang tig-2,000 provincial bus na dumadaan sa Magallanes-Cubao at Cubao-Magallanes tuwing rush hour.

Pakonsuwelo naman ng MMDA sa mga provincial bus ang pag-lift ng kanilang number coding.

Pero nilinaw ng MMDA na para lang ito sa mga bus na dumadaan sa EDSA at sakop pa rin ng coding ang mga bus na dumadaan sa Maynila o C-5 Road. 

Sang-ayon naman ang mga provincial bus operator sa patakaran.

"'Yong mga papasok sa opisina, papasok sa eskuwela, pakikiusapan natin 'yong mga pasahero na mas maaga na lang silang bumiyahe," sabi sa DZMM ni Alex Yague ng Provincial Bus Operators Association (PBOA).

Nakikita rin ng MMDA na luluwag ang mga yellow lane dahil hindi na makikipagsiksikan ang mga provincial bus doon.

Magkakaroon ng dry run o subok sa bagong scheme sa Hulyo 24.

Babalaan lang muna ang mga hindi susunod pero simula Agosto 1 ay huhulihin at makatatanggap na ang mga lalabag ng tiket.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.