PatrolPH

'Kaugnayan' ng pinaslang na Tanauan mayor sa droga, naungkat

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 10:13 PM | Updated as of Jul 05 2018 02:12 AM

Watch more on iWant or iWantTFC

Malaki ang hinala ng mga malalapit na kaibigan at katrabaho ng pinaslang na Tanauan City Mayor Antonio Halili na "metikulosong" pinagplanuhan ang krimen noong Lunes. 

"I think that was meticulously planned [kasi] may pinpoint accuracy at well-concealed [ang salarin]," ani Gerry Laresma ng Tanauan City Information Office. 

May tatlong persons of interest na ang Philippine National Police (PNP) at mayroon ding nakapagsabi na may mga kahinahinalang lalaking nakita sa crime scene. 

"Parang doon nila nakita na may movement na nangyari, na may gumalaw sa damuhan," ani Jun Mojares, photographer ni Halili. 

Isa sa mga anggulong tinitingnan ng Task Group Halili ay ang pagkakasangkot ni Halili sa narco-list. 

Sa katunayan, noong nakaraang linggo ay pinagsusumite si Halili ng National Police Commission (NAPOLCOM) ng mga dokumento para linisin ang kaniyang pangalan.

Sa intelligence report kasi na isinumite sa PNP noong 2017, nakasaad na sangkot si Halili at isa pang alkalde sa kalakalan ng droga sa Bulacan, Bataan, Pampanga, at Nueva Ecija. 

Plano pa raw ni Halili na palawigin ang drug trade sa Batangas at alisin ang ibang drug personality sa lalawigan.

Ayon din sa report, ang Tanauan City ang nagsisilbing “transshipment point” ng droga sa Metro Manila para maikalat sa mga kalapit na probinsiya.

Ito rin daw ang siyudad na sentro ng operasyon ng tinatawag na "Habagat Drug Syndicate" at dawit din daw dito ang convicted drug lord na si German Luna Agojo alyas "Kwek Kwek" na miyembro ng "Bilibid 19."

Sa kabila ng mga isyu tungkol sa droga, nauna nang sinabi ng anak ni Halili na hindi totoo ang mga bintang sa kaniyang ama.

MGA ALKALDE NANGANGAMBA NA

Watch more on iWant or iWantTFC

Samantala, nababahala na rin ang ilang alkalde lalo't magkakasunod ang pagpatay sa mga lokal na opisyal ng gobyerno. 

"Aware na kami, lalo na kaming mag-iingat," ani Lipa City Mayor Meynard Sabili.

"Nakakalungkot kasi dalawang magkasunod na araw nangyari ang mga insidente...Hindi naman lahat ng nasa posisyon ay masaya, lahat puwedeng maging target hindi mo lang alam kailan," ani Pampanga Mayor Mylyn Pineda-Cayabyab.

Hamon naman ng presidente ng League of Cities of the Philippines sa mga awtoridad, resolbahin agad ang krimen.

"We call on the authorities to exert all efforts to solve these murders and find the masterminds," ani Mayor Edgardo Pamintuan.

—Ulat nina Fay Virrey at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.