4 patay dahil umano sa ininom na libreng alak

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 03:52 PM

Nakakuha ang awtoridad ng sample ng alak na ininom ng mga biktima na ipasusuri naman nila sa Food and Drug Administration (FDA).

IRIGA CITY, Camarines Sur - Apat na lalaki ang magkakasunod na namatay matapos umanong malason ng ininom na alak noong Biyernes sa Sitio Tubigan, Barangay Sta. Maria sa lungsod na ito.

Binawian ng buhay sina Reggie Oliveros, Edwin dela Cruz, Luis Nicolas Jr. at Sonny Castillo nang makainom ang mga ito ng inilalakong alak.

Sa kwento ni Dominador Taduran, pito silang uminom sa bahay niya alas-tres ng hapon noong Biyernes.

Galing umano sa nagpakilalang chemist na isang Eng. Glenn Castillo ang mixed drink na nainom nila.

Nagbebenta din ng umano si Castillo ng produktong fertilizer at remineralizing drops.

"Nagtitimpla daw siya ng stateside na inumin. Nagtimpla siya sa loob ng van. Sabi niya, tikman mo, sabi ko matapang. Yung mga namatay, nalaman nila, balik-balik sila," ani Taduran.

Nagbabala umano si Castillo na tatlong araw ang epekto ng inumin nila at hindi dapat masobrahan ito. 

Unang nakitang pagewang-gewang sa tabi ng kalsada si Oliveros, 38, Linggo ng hapon.

Ayon sa mga nakakita, akala nila lasing lang ito at nakadapa sa kalsada pero patay na pala.

"Gusto lang namin malaman kung ano ang laman ng ininom nila," ani ng kaanak ni Oliveros.

Sumunod na namatay nitong Lunes sina dela Cruz, Nicolas habang binawian din ng buhay si Sonny Castillo sa ospital Martes ng gabi.

"Kinabahan ako kasi baka ako naman ang susunod," ayon kay Avelino Paya, isa sa mga nakainom din ng alak.

Ayon umano sa duktor, nakitang sunog na ang baga at tiyan ni Castillo.

Nakakuha ng sample ng alak ang pulis Iriga ng alak na ininom ng mga nasawi at ipasasailalim ito sa eksaminasyon para masiguro kung ano ang mga inihalo sa alak na ikinamatay ng apat.

"Dadalhin muna namin sa FDA (Food and Drug Administration) [ang sample] at patuloy nating iimbestigahan," ani Investigator Niño Dichoso.

Pinaghahanap na rin ng awtoridad ang nagpakilalang engineer na nag-alok ng alak sa mga biktima. 

Pinaghahanap pa rin si Castillo na nahaharap sa kasong homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.