May tatlong persons of interest na ang Philippine National Police (PNP) sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili noong Lunes.
Ayon sa special investigation task group na binuo na ng Calabarzon police, may mga natukoy na silang tatlong posibleng salarin at dalawa sa mga ito ay konektado umano sa ilegal na droga.
Lumabas naman sa ballistic report ng pulisya na isang bala ng M-16 ang ginamit ng mga suspek at nagmula raw ang bumaril sa mataas na puwesto.
Sa Huwebes posibleng gawin ang reenactment sa nangyaring krimen para makatulong pa sa imbestigasyon ng pulisya.
PAKIKIRAMAY
Patuloy naman ang pagdating ng mga nakikiramay sa pamilya ng napaslang na alkalde.
Karamihan sa mga ito ay mga empleyado ng city hall na gustong makiramay at magpakita ng suporta sa pamilya Halili.
Noong Martes ay magkahiwalay na dumating sa lamay ang mag-asawang sina Senador Ralph Recto at Batangas Rep. Vilma Santos.
Parehong inalala ng dalawa ang mga panahong nakatrabaho nila at nakasama si Halili.
Nananawagan din si Recto sa pulisya na pagbutihan ang kanilang trabaho para mahuli ang may sala sa krimen. —Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, mayor, assassination, killing, Batangas, Antonio Halili, Tanauan, krimen, PNP, pulisya, Philippine National Police, Calabarzon, ballistic report, investigation, Ralph Recto, Vilma Santos, Fay Virrey