School principal, kritikal matapos tambangan sa Batangas

Arnell Ozaeta, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 09:38 PM

LIPA CITY - Kritikal ang kondisyon ng isang high school principal matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek dito nitong Martes.

Kinilala ang biktimang si Emily Mallari, 39, ang principal ng Alitagtag National High School.

Ayon sa mga awtoridad, papasok na sa trabaho si Mallari sakay ng kanyang kotse na may plakang AAK 2146 nang sabayan ito ng isang riding-in-tandem at pagbabarilin pagsapit sa may Brgy. Pinagtungulan.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ang biktima, kung saan isa ang tumama sa kanyang panga.

Agad isinugod ang biktima sa Metro San Jose Hospital at inilipat sa Mary Mediatrix dahil sa lubha ng kanyang kalagayan.

Kasalukuyang inaalam ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril at kung sino ang responsable sa krimen.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang Department of Education (DepEd) sa insidente na naganap matapos lang ang pananambang sa isang opisyal sa Pagadian City. 

"The DepEd expresses great concern over the recent incidents of violence against its personnel, the latest of which is the attempt on the life of a high school principal from San Jose, Batangas," ayon sa DepEd. 

"The DepEd strongly reiterates its firm stand against all acts of violence and extends the same call for the safety and protection of its learners, teachers and personnel in and outside school. We enjoin everyone in the prayer for Mallari’s full and speedy recovery," ayon sa isang pahayag ng kagawaran. 

Nito lamang Lunes, patay ang katatalaga pa lamang na Schools Division Superintendent ng Zamboanga Del Sur na si Marcom Borongan sa isang pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.