PNP, AFP irerekomenda ang pagpapalawig ng martial law

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 09:46 PM | Updated as of Jul 05 2017 04:04 AM

Irerekomenda ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. 

Ito ang napagkasunduan nila ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año, ayon sa hepe ng PNP na si Director General Ronald dela Rosa. 

"Nag-usap kami kahapon ni General Año, na 'pag tinanong kami ni Presidente, kung ano ang aming recommendation, kung hindi pa ito matapos, pa-extend natin," ani Dela Rosa. 

Aniya, kailangan ang pagpapalawig ng batas militar sa rehabilitasyon ng lungsod ng Marawi.

"We are inclined to recommend to the president na kung puwede, na hindi pa totally na-stabilize and sitwasyon maganda sana na i-extend pa para sa rehabilitation phase ng Marawi.

"Mahirap namang magpanday-panday ka doon na may putok-putok pa na mangyayari, di ba? Para safe ang mag-rehabilitate, i-extend muna ang Martial Law para maganda ang kalalabasan ng reconstruction, rebuilding of Marawi," ani Dela Rosa.

Pero ayon kay Dela Rosa, maaaring mag-iba ang sitwasyon ng Marawi ngayon hanggang sa nakatakdang pagtatapos ng batas militar sa Hulyo 23.

"Assessment namin as of yesterday. Pero kung magbago ang sitwasyon doon ngayon, baka magbago ang recommendation namin, baka magbago, depende sa situation doon sa Marawi," aniya.

Korte Suprema, pinagtibay ang batas militar sa Mindanao]

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong kumukuwestiyon sa pagsasailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa martial law ng buong Mindanao, ayon sa tagapagsalita ng korte na si Theodore Te nitong Martes ng hapon. 

Labing-isang mahistrado ang bumoto para sa pagbasura ng tatlong hiwa-hiwalay na petisyon laban sa martial law; tatlong mga mahistrado ang bumoto ng 'partially grant' at isa ang bumoto ng 'grant' bilang sagot sa mga petisyon. 

Sa Miyerkoles malalaman ang paliwanag ng mga mahistrado, ani Te. Dagdag niya, ang mayroon lamang ay mga draft ng mga opinyon na isasapinal pa bukas. 

Pinagtitibay ng desisyong ito ang deklarasyon ng martial law, at ang suspensiyon ng privilege of the writ of habeas corpus -- o ang paghuli nang walang arrest warrant. Ito ang unang pagkakataon na naisangkalan bilang basehan ng deklarasyon ng martial law ang Article 7, Section 18 ng 1987 Constitution, na naglalatag ng proteksiyon laban sa posibleng pag-abuso na gaya ng nangyari sa panahon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

Lumalabas na wala namang karagdagang kapangyarihan ang pangulo sa ilalim ng batas militar.

Inamin ni Solicitor General Jose Calida nang humarap siya para sa oral arguments sa Korte Suprema na lumalabas na wala namang karagdagang kapangyarihan ang pangulo sa ilalim ng martial law.

Pero sabi ni Calida, mayroon itong "psychological effect" sa mga kalaban ng estado.

Gayumpaman, itinuturing na malaking bagay ang pagpabor ng Korte sa deklarasyon ni Pangulong Duterte lalo sa mga sundalong nakikipagbakbakan sa mga teroristang Maute sa Marawi.

Ayon sa Malakanyang, nagkakaisa ang buong pamahalaan laban sa mga Maute ngayong nagsalita na ang Korte Suprema. Kaya hiling nito ang buong suporta ng publiko.

'Linawin ang ibig sabihin ng martial law' 

Pero para sa isang legal expert, pagkakataon ngayon ng Korte Suprema na linawin kung ano ang mga saklaw ng batas militar.

Sa kasalukuyan, nakasaad lang sa Konstitusyon ang mga hindi maaaring gawin sa ilalim nito.

Sa kabila ng mga limitasyong nakasaad sa Konstitusyon, marami ang bumanat sa desisyon ng korte suprema.

Ayon sa National Union of People's Lawyers na kumatawan sa isang grupo ng petitioners, dapat mas maging kritikal at mapagmatyag ang publiko.

Kung nagawa umanong magdeklara ng martial law sa buong Mindanao gamit ang kuwestiyonableng basehan, maaari ding gamitin ang mga dahilang ito para isailalim ang buong bansa sa batas militar.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Albay Rep. Edcel Lagman na isa sa mga kumuwestiyon sa batas militar.

Sabi niya, magandang hintayin muna ang diskusyon at paliwanag ng Korte Suprema.

Samantala, sinimulan na ang pagtatayo ng "temporary shelters" para sa mga nawalan ng bahay sa Marawi.

Itatayo ito sa 11-ektaryang lupa sa isang safe zone sa lungsod.

Hanggang 5,000 tents o bahay na gawa sa light materials ang kayang itayo roon para sa mga residenteng nawalan ng bahay. Magiging pansamantalang tahanan nila iyon sa loob nang hanggang isang taon.

--May ulat nina Christian Esguerra at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.