Overtime pay, pangunahing problema ng mga manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 07:42 PM | Updated as of Jul 05 2017 03:42 AM

Nangunguna ang hindi pagbibigay o maling computation ng night shift differential, overtime at holiday pay sa listahan ng mga bagay na iniinda ng mga manggagawa. 

Ito ang lumalabas sa unang taon ng pag-o-operate ng hotline na 1349 ng Department of Labor and Employment (DOLE). Tumanggap ito ng halos 100,000 tanong. Tungkol sa mga paglabag sa general labor standards ang 80% sa mga tumatawag.

Pinakamalaking problema pa rin ng mga manggagawa ngayon ang mga paglabag sa general labor standards ng mga employer gaya ng bayad kapag nasa night shift, overtime, at holiday pay. 

Kasunod nito ang mga tanong tungkol sa 13th month pay, pagpaparehistro ng mga establisyamento, paglabag sa minimum wage, at kawalan ng due process sa pagsibak ng empleyado, at separation pay.

Nasa 72 hours ang turnaround time ng DOLE para matugunan ang bawat reklamong itinatawag sa hotline.

Pero ang magandang balita, ayon sa DOLE, unti-unti nang bumababa ang mga tawag kaugnay ng 'endo' (end-of-contract) o kontraktuwalisasyon. 

Ayon sa DOLE, bukod sa 1349 hotline, nakatulong ang regular na inspeksiyon nila sa mga kompanya.

Pero dahil din dito, humihingi ng dagdag na labor inspectors ang DOLE para matupad ang pangakong wawakasan ang kontraktuwalisasyon.

Itinanggi naman ng grupong Kilusang Mayo Uno ang sinabi ng DOLE.

Pahayag ni Jerome Adonis, KMU secretary general, "Hindi po totoo na wala nang endo. Kasi ang DO [Department Order] 174 ay nagpapahintulot ng all forms of contractualization."

Bukod umano sa pinapahintulutan ng DOLE Order 174 ang kontraktuwalisasyon, hindi rin sumunod ang ilang kompanya kahit na inutos na ng DOLE na i-regularize ang mga empleyado.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ulit ng DOLE na may mga legal na uri pa rin ng kontraktuwalisasyon sa mga negosyo na project-based.

Ayon sa DOLE, para mawala ito, kailangan munang amyendahan ng Kongreso ang batas. 

Tumatanggap ng halos 300 tawag kada araw ang DOLE.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.