PatrolPH

Magtiyahing Zamboanga del Norte gov, Dapitan mayor nanumpa na

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2022 11:33 AM

Magkasunod na nanumpa nitong Sabado sina Seth Federick "Bullet" Jalosjos bilang mayor ng Dapitan City at ang kaniyang tiyahing si Rosalina "Nanay Nene" Jalosjos bilang gobernador ng Zamboanga del Norte.

Isang misa ang ginanap sa harap ng Government Center ng Dapitan bago isinagawa ang inagurasyon ni Mayor Jalosjos kung saan kasama niyang nanumpa sa kani-kanilang katungkulan ang 10 miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Dapitan.

Sa mensahe ni Bishop Severo Caermare, pinaalalahanan nito ang lahat ng mga bagong opisyal na ang posisyon na hawak nila ngayon ay isang biyaya mula sa Panginoon para makapaglingkod sa kapwa.

Sa inagurasyon, tinanggap din ni Mayor Jalosjos ang susi, na simbolo ng kaniyang pagtanggap ng responsibilidad bilang chief executive ng lungsod.

Ilan sa ipinangako nito ay ang pagpapalakas sa turimso ng Dapitan, pagbibigay ng dagdag na pagkakakitaan at hanapbuhay, mabuting edukasyon, pagpapalago ng teknolohiya, at pagtiyak ng maayos na pangangatawan ng mga residente.

Matapos manumpa ng mga taga-Dapitan, inihatid naman nila pa-Dipolog City sa isang motorcade ang kanilang dating alkalde, na ngayo’y uupong gobernador ng Zamboanga del Norte.

Sa harap ng tribal leader na si Timo-ai Labi Johnny Anufon Sr. nanumpa ang bagong gobernador bilang pagpapahalaga ng tribung Subanen sa probinsiya. 

Laking pasasalamat umano ng tribo na binigyan sila ng kahalagahan ng bagong administrasyon.

Bilang pagkilala sa kanilang kultura, isinagawa din sa inagurasyon ni Governor Jalosjos ang isang buklog, isang pagdiriwang at pasasalamat ng tribung Subanen.

— Ulat ni Dynah Diestro

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.