PatrolPH

Sagip Kapamilya: Mga apektado ng pag-aalboroto ng Taal, hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2021 08:26 PM

Watch more on iWantTFC

Wala nang tao sa maraming kabahayan sa Barangay Bugaan East sa bayan ng Laurel, Batangas, matapos magpalikas ng lokal na pamahalaan dahil sa muling pag-alboroto ng Bulkang Taal. 

Pero si Donnie Genil, naabutang mag-isa sa kaniyang bahay. Umuwi siya mula sa evacuation center para magpakain ng mga isda na kanilang hanapbuhay.

" 'Yung isda maselan. 'Pag di nakakatuka liliit, mamamatay. Eh di wala na kaming kita. Lugi na,"ani Genil. 

Kuwento pa ni Genil na mahigit 1 buwan na silang nanatili sa evacuation center nang sumabog ang bulkan noong Enero 2020, kaya alam na nila ngayon ang kailangang paghandaan. 

"Ngayon magdadala kami ng kumot at unan dahil kagabi biglaan. Wala man lang nadala. Ngayon magdadagdag para masarap naman ang tulog," aniya. 

Handa na rin ang mga gamit nina Joy Genton sa paglikas sa evacuation center. Hinihintay na lamang niya ang kanilang mister mula sa pangngisda sa laot. 

"Naka-ready naman po talaga ang gamit namin, dahil alam naming hindi mo rin talaga masasabi po, mabuting laging naka-ready," ani Genton.

Kabilang sina Genil at Genton sa mahigit 300 pamilyang lumikas sa 11 evacuation center sa Batangas. 

Para kahit paano’y mabawasan ang pangamba ng mga naapektuhan, nagdala ang ABS-CBN ng suplay ng bigas, de lata, face mask, alcohol, vitamins, at mga biskwit at gatas sa munisipyo ng bayan ng Laurel na ihahatid sa iba’t ibang evacuation centers. 

Nanawagan naman ng karagdagang tulong ang lokal na pamahalaan para sa iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente. 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.