Tindero patay sa pamamaril sa kalsada sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 06:22 AM

MAYNILA - Humandusay sa kalsada ang katawan ng isang tindero matapos siyang pagbabarilin sa NAIA Road sa Barangay Tambo, Parañaque City nitong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Roel Llamado, 43, isang fruit vendor.

Kwento ng asawa ng biktima, lumabas sila para pumunta sa palengke para sana bumili ng ititindang prutas. Naghiwalay sila ng daan dahil sa may dala siyang kariton habang ang biktima ay may dalang sidecar.

Nabalitaan na lang niya na binaril ang kanyang asawa.

Hinala ng asawa ng biktima, may kaugnayan ang kanyang bayaw na si "Roger" sa pamamaslang sa biktima. Nagkaalitan umano ang dalawa at minsan pa ay naireklamo na nila sa barangay ang kanilang away.

Ayon naman sa isang testigo na si "Michelle", nakita niyang halos magkasunod na lumabas ng bahay ang mag-asawa at si Roger.

Unang lumabas umano ang biktima at ang asawa nito, at wala pang limang minuto, ay lumabas na din ng bahay si Roger sakay ng isang electric bike at sinundan ang mag-asawa.

Pinaghahananap na ng mgg awtoridad si Roger.--Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.