Mga spa therapist sa Metro Manila umapelang payagan silang magbalik-trabaho

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 09:11 PM

Umaapela ang mga therapist ng mga spa na hindi pa rin makapagtrabaho at walang natatanggap na ayuda na pakinggan ang kanilang panukalang health and safety protocols para payagan na silang makapagbalik-operasyon. 

Apat na buwan na kasing natengga ang kanilang industriya dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Ayon kay Nol Montalbo, Chief Executive Officer ng isang Mont Albo Wellness Corporation, nasa 160,000 ang therapist sa buong bansa na walang trabaho. 

At karamihan sa kanilang mga na-employ ay hirap umanong tanggapin sa ibang industriya. 

“Yung mga bulag natin at saka yung differently abled natin na therapist na doon lang nakadepende sa pagma-massage. Di naman sila makakapagtrabaho as waiter ngayon eh or delivery boy?… Mayroon pa kaming mga therapist na walang formal education. San nyo sila pahahanapin ng trabaho ngayon? Saan?” ani Montalbo. 

Handa naman daw silang paigtingin ang kanilang safety protocols habang pinapatakbo ang kanilang mga trabaho. 

Lilimitahan din ng mga spa ang kanilang mga kliyente. Halimbawa, piling kwarto lang ang gagamitin dahil mayroon itong partition. 

Lilimitahan naman o kaya pagbabawalan ang paggamit ng mga kwarto at communal rooms. 

Pagsusuotin ng face masks ang mga kliyente habang minamasahe. 

Bawal din ang masahe sa ulo para sa kaligtasan ng nagmamasahe. 

Naniniwala ang mga spa na maiiwasan ang virus kung walang gloves dahil mas madaling ma-sanitize ang mga kamay. 

Ayon sa Department of Trade and Industry at Department of Tourism, sa Modified GCQ pa nakatakdang mag-operate ang mga spa. 

Pero para sa spa industry, paano kung tumagal pa nang ilang buwan ang general quarantine, lalo na’t hindi pa nakatanggap ng ayuda ang karamihan sa mga manggagawa ngayong naubusan ng pondo ang DOLE noong Abril 16. 

Kabilang ang mga nabanggit na manggagawa sa 2.962 milyong manggagawa na walang trabaho dahil sa pansamantala o permanenteng pagsasara. 

Ang mga permanenteng natanggal ay maaaring tumakbo sa SSS para sa unemployment benefit. 

Katumbas ito nang isang buwang average salary credit na matatanggap sa loob ng 2 buwan. 

May mga requirement nga lang gaya ng tatlong taong kontribusyon at 6 hanggang 12 tuloy-tuloy na hulog bago mag-aplay. 

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.