Mangingisda sa Palawan sugatan sa sakmal ng 'nagambalang' buwaya

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 03:28 PM | Updated as of Jul 03 2020 03:51 PM

BALABAC, Palawan — Sugatan ang kaliwang mata at ulo ng isang mangingisda sa bayan na ito matapos atakihin ng buwaya noong Huwebes ng madaling araw. 

Nangyari ang insidente 100 metro ang layo sa mangrove area sa Sitio Silom-Silom, Brgy. Catagupan. 

Kinilala ang biktima na si Janilon Daking Amalong, 25. Kasama nito sa pangingisda ang tiyuhing si Monching Daki na tumulong sa kaniya para makaligtas sa sakmal ng buwaya.

Dinala si Amalong sa Rural Health Unit ng Balabac para malapatan ng paunang lunas bago dinala sa Puerto Princesa para mas matingnan ang mga natamo nitong sugat.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), breeding season o panahon ng pangingitlog ng mga buwaya at maaaring nagambala ng mangingisda ang teritoryo nito.

Hindi na rin umano bago sa mga residente ng Balabac ang sitwasyon sa pagitan ng mga tao at buwaya.

Paulit-ulit na silang pinapaalalahanan kapag nagsasagawa ng information education campaign at naglagay na rin sila ng mga signage sa mga posibleng tirahan ng mga buwaya.

Naantala nga lang daw ang action plan na binuo ng mismong mga tribal leaders, community leaders, iba’t ibang law enforcement agencies at local government unit dahil sa pandemyang COVID-19.

Patuloy pa ring pinag-uusapan ang posibleng pagdedeklara sa ilang lugar sa bayan para maging crocodile sanctuary.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.