Kagawad patay sa pamamaril sa loob ng barangay hall sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 06:05 AM | Updated as of Jul 03 2020 10:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Isang kagawad ang pinagbabaril mismo sa loob ng barangay hall ng Barangay 484 sa Sampaloc, Maynila nitong Huwebes.

Nagpupulong ang limang opisyal ng barangay kasama ang biktima na si Antonio Calma, Jr. bandang alas 10:30 ng gabi nang mangyari ang pamamaril.

Ayon sa isa pang kagawad na si Josie Cruz, sinipa ng mga suspek ang noo’y nakasaradong pinto tsaka sila sunod-sunod na nagpaputok ng baril.

Binalikan pa umano ng gunman ang biktima at pinaputukan pa ng apat na beses.

Ayon kay Simaba PCP commander Police Cpt. Kristo John Ramirez, hindi bababa sa dalawa ang suspek sa pamamaril.

Dalawang klase ng baril ang ginamit ng mga suspek dahil sa mga nakuhang basyo ng kalibre .45 at 9mm.

Wala pa naman silang nakukuhang testigo dahil wala pang gustong magsalita mula sa barangay.

Hindi pa rin ma-access ang CCTV sa barangay hall na maaaring makatulong sa pagkilala sa mga suspek.

Kasalukuang officer-in-charge na chairman ng Barangay 484 si Calma. Siya ang humalili kay Guia Gomez Castro sa pagiging barangay chairman na tinukoy ng pulisya bilang drug queen noong nakaraang taon.

Wala namang alam ang mga kaanak niya na banta sa kanyang buhay.--Ulat nina Lady Vicencio at Fred Cipres, ABS-CBN NEws

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.