Ilang taga-Benguet dismayado matapos ibalik sa GCQ ang lalawigan

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 05:27 PM


BAGUIO CITY — Ilang residente sa Benguet ang dismayado matapos ibalik sa general community quarantine (GCQ) ang kanilang lalawigan mula sa dating mas maluwag na patakaran. 

Uuwi sana ngayong Sabado sa Pangasinan si Merlito Gallano na nagtatrabaho sa La Trinidad.

Pero dahil ibinalik sa GCQ ang lalawigan ay hindi ito matutuloy. 

"Mahirap po kasi parang style lockdown na naman. Uuwi po dapat kami sa probinsya pero di kami makauwi dahil lang sa GCQ na ito. Ang pinapayagan lang po kasi 'yung namatayan or 'yung mga emergency lang po," aniya.

Simula Huwebes kasi, isinailalim ulit sa GCQ ang Benguet matapos madagdagan ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan. 

Sa ngayon, 36 ang naitalang bilang ng kaso ng COVID-19, 22 na ang gumaling at 14 naman ang active cases. 

Ayon sa mga residente, tila nasayang ang kanilang pinaghirapan ng tatlong buwan. 

"Minsan kasi mga tao walang disiplina kaya bumalik na naman sa ganito. Parang sa market kahit once a week araw-araw lumalabas tapos walang physical distancing," ani Marie Cadchan, residente.

Nangangamba rin ang ilan dahil imbes na makabawi sa negosyo ay tutumal na naman ito. 

Sa ilalim ng GCQ ay bawal lumabas ang mga walang importanteng gagawin. May curfew rin ng mula alas-7 ng gabi hanggang alas-7 ng umaga.

Bawal din magbukas ang mga non-essential establishments tulad ng mga massage parlor at bar.

Nilinaw naman ng pulisya na maaari pa ring mag-operate ang mga restoran pero sa 30 porsiyentong kapasidad lang ang puwedeng mag-dine-in. 

Magtatagal ang GCQ sa Benguet hanggang Hulyo 15.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.