ALAMIN: Mga aktibidad na papayagan ngayong Hulyo batay sa bagong IATF resolution

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 03:13 PM | Updated as of Jul 03 2020 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Papayagan na ang religious gatherings gaya ng pagsisimba sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) simula Hulyo 1, ani Presidential Spokesperson Harry Roque, pero may mga kondisyon umanong itinakda ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF). 

Sa inilabas na IATF Resolution No. 51, papayagan na ang religious gatherings sa GCQ areas pero hanggang 10 porsiyento lang ng seating capacity ng isang venue o hanggang 10 tao, depende kung ano ang mas mataas na bilang. 

Dapat din ay limitado lang ito sa religious worship o service at wala rin aniyang pagtutol mula sa lokal na pamahalaan.
 
Dapat rin aniya masunod ang minimum health standards gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face masks, at hand hygiene. 

"Magkakaroon muna tayo ng dry run na 10 percent itong mga darating na Linggo. Pero iyong 10 percent na allowed na ang lahat ay magsisimula po sa July 10," sabi ni Roque.

Samantala, pinayagan na rin ang operasyon ng travel agencies sa GCQ areas pero dapat ay naka-skeletal work force lang para sa administrative works gaya ng pagproseso sa refund at payment sa mga supplier. 

Papayagan na rin sa GCQ areas ang iba pang grooming services bukod sa pagpapagupit ng buhok. 

Maglalabas aniya ng panuntunan ang Department of Trade and Industry tungkol sa unti-unting pagbabalik ng iba pang mga serbisyo para matiyak pa rin ang pagsunod sa minimum health standards. 

"Iyong mga pedicure, manicure hintayin muna ang mga guidelines bagama't in principle papayagan po iyan, hintayin lang po natin ang guidelines ng DTI. At ang unang-una kong tatanungin kay Sec. Lopez, papaano po iyong mga pamasahe sa mga barbero? Puwede na ho ba iyan? Hintayin natin ang guidelines ng DTI," ani Roque. 

Samantala, sa mga mahilig naman sa sports, pinayagan rin ng IATF ang health-enhancing activities gaya ng practice at conditioning para sa basketball at football. 

Base na rin ito sa isang joint administrative order ng Philippine Sports Commission, Games and Amusement Board at Department of Health na nagtatakda ng guidelines para sa mga nasabing aktibidad. 

- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.