120 bahay isinailalim sa lockdown sa Murcia, Negros Occidental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 11:22 PM | Updated as of Jul 04 2020 12:08 AM

Nasa 120 na mga bahay sa isang purok ng Barangay Minoyan sa Murcia, Negros Occidental nitong Biyernes ang isinailalim sa lockdown matapos magtala ng ilang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.

Isinailalim na rin sa lockdown ang buong Minoyan matapos magpositibo sa COVID-19 ang 15 na residente nito sa labas ng Purok Newsite.

Ayon kay Murcia Mayor Gerardo Rojas, isinailalim niya sa lockdown and buong Newsite dahil dito nakatira ang isang driver ng lokal na pamahalaan na nagpositibo sa COVID-19. Ang kaniyang asawa at anak, pati na ang ibang kasama sa bahay at mga kapitbahay, ay nagpositibo din sa rapid anti-body test.

Bukas nakatakdang isailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test ang lahat ng nagpositibo sa rapid test.

Ani Rojas, hindi dapat makalabas ng kanilang mga bahay ang mga nasa ilalim ng lockdown hanggang sa lumabas ang resulta ng RT-PCR test kaya simula bukas, magbibigay ng food asisstance ang bayan ng Murcia sa higit 120 na pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.