Sundalo patay, isa sugatan sa pamamaril sa Cotabato City

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 08:22 PM

COTABATO CITY - Patay ang isang sundalo habang sugatan naman ang isa pang kasama nito nang pagbabarilin sa Barangay Rosary Heights 7 dito sa siyudad, Martes ng hapon.

Ayon sa mga barangay tanod, nakatanggap sila ng tawag sa radyo na mayroong nangyaring pamamaril sa lugar kaya agad silang rumesponde.

"Marami nang tao pagdating namin tapos may lalaki na nakadapa diyan. 'Yun na, siya 'yung sinakay sa mobile," paliwanag ni Mohaliden Laguiab, chief tanod ng barangay.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Cpl. Herminio Belano at Cpl. Pacifico Obillo.

Patay si Belano na nagtamo ng tama ng bala sa ulo, habang sugatan naman si Obillo na tinamaan ng bala sa baba.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, parehong miyembro ng 10th Company ng 5th Special Forces Battalion ng Philippine Army ang dalawa.

Sinubukan ng news team na kuhanan ng pahayag ang commander ng Special Forces Battalion pero tumanggi muna itong magsalita tungkol sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.