PANOORIN: Mga video karera sa Maynila, winasak

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 11:39 AM

Mismong si Mayor Isko Moreno ang nanguna sa pagwasak ng mga nakumpiskang video karera sa Maynila. Johnson Manabat, ABS-CBN News

MAYNILA - Sa kaniyang ikatlong araw sa pwesto nitong Miyerkoles, pinangunahan ni Moreno ang pagwasak sa mga nakumpiskang video karera sa iba't ibang lugar sa Maynila.

 

Umabot sa 75 ang mga winasak na video karera na galing sa mga huli ng bawat police stations na nasasakupan ng Manila Police District.

Gamit ang malalaking maso, mismong sina Moreno at MPD chief Brig. General Vicente Danao ang sumira sa mga video karera machine sa quadrangle ng Manila City Hall.

Aabot sa 65 sa mga winasak na video karera ay gumagana at nagagamit pa nang magkumpiska.

Sinabi ni Moreno na ayaw niya ng mga video karera sa Maynila. Ayaw din nito ng mga pula-puti, saklaan at sabungan sa lungsod.

Karaniwan aniya na nagagamit ang video karera sa transaksyon ng ilegal na droga, na kailangan nang masawata.

Nagbabala din si Moreno sa mga pulis na protektor at nakikinabang sa video karera at iba pang mga iligal na pasugalan na pananagutin sa sandaling mahuli sa akto o mapatunayang may patong sa operasyon nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.