Higit 200 nagsuka, sinakitan ng tiyan matapos ang pakain ni Imelda

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 03:03 PM | Updated as of Jul 03 2019 07:22 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Mahigit 200 ang naospital nitong Miyerkoles nang mahilo at magsuka matapos dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos sa Ynares Sports Arena sa Barangay Oranbo, Pasig. 

Sa 2,500 supporters na dumalo, aabot sa 261 katao ang dinala sa iba't ibang ospital sa Pasig at sa karatig-lugar nang makaramdam ng pagsusuka, pagsasakit ng tiyan, at labis na pagdudumi matapos ang pagtitipon, base sa huling tala ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management office (DRRMO). 

Pitong pasyente ang na-discharge na habang dalawa naman ang "severely dehydrated," ayon sa mga awtoridad.

Inabutan sa pagdiriwang ang mga nakisalo ng packed lunch na naglalaman ng adobo na may patatas at itlog, ayon sa chairman ng Barangay Oranbo na si Richard Pua. Nanggaling pa sa mga probinsiya ang ilang dumalo na isinugod sa ospital. 

Sa paunang imbestigasyon ng Department of Health, nakaramdam ang mga biktima ng sintomas ng food poisoning higit tatlong oras mula nang makain ang adobo. 

Naramdaman din ng ilan na hindi na maganda ang lasa ng manok na inihain sa kanila, ayon sa ilang dumalo sa pagdiriwang. 

Watch more in iWantTFC

Kinumpirma rin nitong hapon ni Health Secretary Francisco Duque III na food poisoning ang nangyari sa mga isinugod sa ospital. 

"It's really a case of food poisoning, affecting more than 240, in fact more than 261 and we still are not sure whether the number will continue to rise," ani Duque. 

"The reports say that it came from the egg, that the egg tasted foul if not spoiled." dagdag niya. 

Kinatigan ng dumalo na si Luzviminda Lilio ang pahayag ni Duque. "'Yung itlog, iba na 'yong lasa. Kasi malambot na 'yung itlog," aniya. 

Ayon sa medical specialist na si Primo Valenzuela, posible umanong nakakalap ng bacteria na staphyloccocus aureus ang pagkain - na karaniwang dulot ng hindi malinis na paghahanda ng pagkain at pag-iimbak nito sa lugar na hindi akma ang temperatura. 

Inaantay pa ng DOH ang resulta ng imbestigasyon para malaman kung may pananagutan ang naghanda ng pagkain. 

Sa pahayag sa social media ng anak ni Imelda na si Bongbong, humingi sila ng paumanhin sa mga naapektuhan at nangakong hindi papabayaan ang mga nagkakasakit. 

"Kami po ay nakikipag-ugnayan sa mga naapektuhan at patuloy na umaasikaso sa kanila. Ako po ay humihingi ng paumanhin at lubos na pag-unawa sa nangyaring ito. Makakaasa po kayo sa aming tulong hanggang sa ang lahat ay tuluyang gumaling," ani Bongbong sa pahayag. 

Ayon din sa nagpakilalang miyembro ng kampo ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., nakipag-ugnayan na sila sa mga opisyal ng ospital para sagutin ang gastos ng mga na-food poison. 

-- May mga ulat nina Henry Atuelan, Vivienne Gulla, Jasmin Romero, at Zhander Cayabyab, ABS-CBNNews

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.