'Dayuhang fishing vessels lumalapit na sa baybayin ng Pilipinas'

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 08:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Papalapit na nang papalapit ang mga dayuhang mangingisda sa baybayin ng Pilipinas sa West Philippine Sea, base sa satellite imagery study ng isang grupo.

Ipinakita ngayong Miyerkoles ng grupong Karagatan Patrol ang ginawa nilang time series map.

Makikita sa time series map na mula 2016 hanggang 2018, papalapit na nang papalapit sa mga baybayin ng mga lalawigan sa may West Philippine Sea ang mga barkong pangisda na nasa boundary ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ang mga nade-detect na barkong pangisda ng satellite ay mga fishing vessel na malalaki at malalakas ang ilaw.

"Industrial, commercial scale, exploitation on our EEZ are nearing our coastline," ani Karagatan Patrol coordinator Jessie Floren.

Nilinaw ng grupo na hindi pa kaya ng teknolohiya na tukuyin kung saang bansa galing ang mga vessel.

Pero batay umano sa mga nahuhuli ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard, ito ay mga barkong pangisda ng Vietnam, Taiwan at China.

Bunsod umano nito, mabilis na mauubos ang yamang-dagat ng Pilipinas, ani Deo Onda, deputy director for research sa University of the Philippines-Marine Science Institute.

"If we continue activities that degrade the environment, the habitat, collapse will be very soon," ani Onda.

Pinangangambahan ding pasukin ng mga dayuhan ang mga dagat sa Visayas at Mindanao kapag wala nang makuha sa West Philippine Sea.

"Ilang beses nang may pumupunta sa loob ng Sulu Sea, maraming apprehension 'yong Coast Guard," ani Floren.

Tiniyak naman ng Palasyo na kikilos sila ukol sa mga dayuhang nangingisda sa West Philippine Sea.

"If they're poaching, if they're violating... of course it's enforcable kasi environmental laws na 'yan eh, baka they might be violating international laws as well," ani Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Ayon naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), pinaiigting nila ang kampanya laban sa ilegal na pangingisda.

Sa datos ng BFAR, tunay ngang bumabagsak ang produksiyon ng isda sa bansa sa nakalipas na dekada.

Patuloy ding naka-monitor ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga nakalap na ulat na pag-harvest umano ng Tsina sa mga giant clam sa EEZ ng bansa.

Nilinaw naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang verbal fishing agreement nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.

"I didn't even know there was a verbal agreement," ani Locsin.

"The question is, is it policy? It's not policy. He may had been led to believe we have a surplus," ani Locsin.

Iginiit ni Locsin na ang puwede lang dapat mangisda sa karagatan ng Pilipinas ay mga Pilipino. --Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.