Bangkay na tadtad ng bala natagpuan sa Calbayog City

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 08:24 PM

CALBAYOG CITY - Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa kalsada sa Barangay Bagacay dito sa siyudad Miyerkoles ng madaling araw.

Katabi ng nasabing bangkay ng lalaki ang isang motorsiklo. Ayon sa pulisya, nakasuot ng itim na sando at itim na short pants ang biktima.

Nakatanggap din umano sila ng sumbong mula sa mga residente na may nangyaring pamamaril sa lugar.

Nang rumesponde ang mga pulis, tumambad ang duguang lalaki na may tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nakuha sa lugar ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Dinala sa punerarya ang bangkay ng lalaki.

Kasalukuyang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.