4 patay sa magkakahiwalay na buy-bust sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 05:24 PM

Apat na umano ay tulak ng ilegal na droga ang napatay sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Laguna nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Sa Calamba City, papalapit pa lang ang nagpanggap na buyer nang bumunot at magpaputok ng baril ang 2 suspek, dahilan para gumanti ang mga awtoridad.

Itinakbo sa ospital ang 2 suspek pero binawian din ng buhay.

Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .34 na baril, kalibre .45 na baril, at P20,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Nakabarilan naman ng pulisya sa Barangay Nueva, San Pedro City ang umano ay tulak na si alyas "Meng."

Nanlaban umano si "Meng" nang mabistong pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nakuha sa suspek ang kalibre .45 na baril.

Isa ring drug suspect ang napatay matapos umanong manlaban sa Cabuyao City.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.