SAPUL SA CCTV: Pananambang sa mayor ng General Tinio, Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2018 09:20 PM

Nakuhanan sa CCTV ang pamamaril sa mayor ng General Tinio, Nueva Ecija nitong Martes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Courtesy: NIA 

Sa markang 00:30, makikitang may lumapit sa SUV na sinasakyan ni Mayor Ferdinand Bote na noo'y kalalabas lang sa National Irrigation Administration (NIA) office sa Cabanatuan City. 

Ayon kay Rose Bote, division manager ng NIA-Cabanatuan, bandang alas-4:30 ng hapon nang mangyari ang pamamaril.

"Ayun po nakarinig nga kami ng mga sunod-sunod na putok, nagtakbuhan, nagsigawan nga po mga tao," ani Rose sa panayam ng DZMM. 

Sabi ni Rose, hindi niya kaanak ang kaapelyidong mayor na dinala pa sa ospital na katapat lamang halos ng NIA.

Pero nasawi ang alkalde na pinuruhan sa pamamaril.

Nakaligtas naman sa insidente ang driver ng SUV at ang anak na kasama ng mayor.

Ayon sa kaanak ni mayor, hindi ugali ni Bote na magsama ng bodyguard dahil wala rin naman siyang alam na kagalit o banta sa kaniyang buhay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang pahayag, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na tiwala siyang mapapanagot ng Philippine National Police (PNP) ang nasa likod ng krimen.

Nakikiramay rin siya sa mga naulila ni Bote.

"We are confident that PNP Chief, Director-General Oscar Albayalde, would be able to conduct a fair and thorough investigation and bring the perpetrators to justice," pahayag ni Roque.

"We assure everyone that we would discharge the state obligation for every murder. We will spare no effort in getting to the bottom of this latest violent crime. Our deep condolences go to the bereaved family of General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote." 

Nagpaabot din ng pakikiramay si PDP-Laban president at Senator Koko Pimentel sa pagkamatay ng kaniyang kapartido.

"Yes, he was a party-mate. Masakit na balita 'yan. Nakakalungkot," sabi ni Pimentel sa isang text message.

Nangyari ang pananambang kay Bote isang araw lang matapos barilin din si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili habang nasa flag ceremony.

-- May ulat nina Maan Macapagal, Raffy Santos, Pia Gutierrez, Sherrie Ann Torres, Elaine Fulgencio, at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.