'Pumatay sa Tanauan mayor, maaaring pulis o sundalo'

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2018 11:42 PM | Updated as of May 12 2019 02:26 PM

Maaaring isang pulis o isang sundalo ang umasinta kay Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili, ayon sa isang senador.

Nakiramay nitong Martes ang kapwa Batangueño na si Senador Ralph Recto sa naiwang kaanak ni Halili.

Anang senador, dahil sa paraan ng pagkakabaril kay Halili, posibleng galing umano mismo sa puwersa ng gobyerno ang nagtumba sa mayor.

"Posible na state force 'to ang gumawa, maaaring galing sa PNP o di kaya sa sundalo, gawa ng sniper 'to e," ani Recto.

"There is a sniper on the loose in Batangas, at ito'y hindi unang pagkakataon. Kung hindi ako nagkakamali, pangatlo na ito. So dapat gawin ng pulis ang trabaho nila at hulihin ang may kasalanan dito."

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilinaw naman ng Philippine National Police (PNP) na hindi isang sniper ang nakapatay sa alkalde kundi isang tao lang na bihasa sa paggamit ng long firearms.

"'Yong distansiyang 160 meters cannot be considered as a sniper work. 'Yon pong 160 meters, if you're a marksman, ordinary marksman, kaya niyo pong tumama sa 160 meters," ani Chief Superintendent Edward Carranza, Calabarzon Philippine National Police (PNP) regional director.

Mayroon nang tatlong persons of interest ang Task Group Halili kaugnay sa pagpatay kay Halili kung saan dalawa rito ay may kinalaman umano sa droga.

Lumabas din sa ballistic examination na isang bala ng M-16 ang ginamit ng mga suspek at nagmula raw ang bumaril sa mataas na puwesto.

"Initially may dalawa kami na person of interest and the third one we have to identify among the groups kung sino sa kanila," ani Carranza. 

Ayon sa crime lab, nawasak ang puso ni Halili at nadamay din ang kaniyang atay dahil sa mga nagkapira-pirasong bala.

Bubusisiin pa ng task group ang mga nangyari noong Lunes batay na rin sa mga nakalap na CCTV at video footage. 

Magsasagawa rin sila ng reenactment o pagsasadula ng nangyaring krimen.

Ugnayan sa droga ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ugat ng pagpatay kay Halili nitong Lunes, Hulyo 2. 

Pero kumambiyo naman ang Malacañang nitong Martes.

"Tingin ko hindi, dahil sinabi nga niya suspetsa lang, habang hindi pa hindi pa [nagsisimula] ang imbestigasyon," ani presidential spokesperson Harry Roque.

Nababahala ang pamahalaan dahil sa pagkakapatay sa alkalde pero hindi umano sila titigil para mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay kay Halili.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAGLULUKSA NG PAMILYA

Nakaburol na sa kanilang bahay ang napaslang na mayor.

Kanina, dumating ang panganay ng alkalde na si Mark Anthony mula sa Canada.

Kasama niyang dumating ang mga kaanak at apo ni Halili.

Bumuhos ang kanilang luha nang makalapit sa kabaong ni mayor.

Ang asawa ni mayor na si Angelina, hindi halos humihiwalay sa kabaong ng asawa. 
    
Humarap sa media ang pangalawang anak ng mayor na si Angeline at sinabi niyang hindi pa rin makapaniwala ang kanilang pamilya sa nangyari sa ama.

Nanindigan din siyang hindi sangkot sa ilegal na droga ang ama.

"My father would rather die than be a drug lord. And see where he is right now. Hindi pa ba proof?" ani Angeline.

"Lahat gagawin nya para sa amin. Kahit magtinda lang ng tinapay o ng diyaryo. My father lived a simple life... Hindi naman kami nagsimula nang ganito e. Sixteen years old pa lang ang dad ko nagbabiyahe 'yan mula Isabela hanggang Manila, nagbebenta ng gulay."

Dagdag pa ni Angeline, naniniwala siya sa hinala ni Pangulong Duterte na ilegal na droga ang dahilan ng pagpatay sa kaniyang ama.

Pero nilinaw niyang pinatay ang ama hindi dahil sangkot sa ilegal na droga kundi dahil kalaban niya ang mga drug lord.

"The President is a very intelligent man. He can speak for himself freely. And I cannot blame him for what he said, if he's been given false information. If he's misinformed, I can only blame the people who are making these false allegations about my father," sabi ni Angeline.

Handa si Angeline na makausap si Duterte at ipaalam kung paano namuhay ang 72 anyos na ama. 

Nakiramay naman ang ilang residente at empleyado ng city hall.

Sa city hall, nagkabit ng itim na ribbon ang mga empleyado bilang pagdadalamhati at paghingi ng hustisya.

Dumating naman ang mga taga-NBI Calabarzon para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.

Kahapon, umupo na bilang kapalit na mayor ng Tanauan City si Vice Mayor Jhoanna Corona Villamor.

Bukod sa politika, may mga negosyo rin ang alkalde at aktibong miyembro ng ilang civic organization. 

Sa ngayon, pinag-uusapan pa ng pamilya kung kailan ang libing ni Halili.

-- Ulat nina Fay Virrey, Kevin Manalo, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.