Kampo ni Bong Revilla, umaasang papabor sa kanila ang Sandiganbayan

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2018 12:24 AM | Updated as of Jun 23 2019 02:21 PM

Watch more in iWantTFC

Umaasa ang kampo ni dating senador Ramon "Bong" Revilla Jr. na magiging pabor sa kanila ang desisyon ng Sandiganbayan.

Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, legal counsel ni Revilla, tuloy-tuloy lamang ang kanilang pagdarasal na matatapos na kaso laban sa dating senador.

"Ito naman, ayaw nating pangunahan ang ating kagalang-galang na Sandiganbayan. Sa kanila 'yan eh, appreciation nila 'yan eh, evaluation nila 'yan. Maaring iba 'yung pagtingin namin, iba 'yung pagtingin nila," aniya.

"Walang mangyayari ito kundi ituloy-tuloy natin ang pagdarasal na makamit niya ang katarungan," dagdag pa ni Esguerra.

Inakusahan ng Office of the Ombudsman si Revilla, kasama ang negosyanteng si Janet Napoles, ang itinuturong utak ng pork barrel scam, at dating Senate legislative officer ni Revilla na si Richard Cambe ng plunder dahil sa pagkamal umano nila ng perang aabot sa P224 milyon mula sa PDAF o discretionary funds ng dating senador.

Malaking tulong sa kaso ni Revilla ang testimonya ng whistleblowers na sina Marina Sula, Mary Arlene Baltazar at Merlina Suñas na nagdiin sa kapwa nila testigo na si Benhur Luy.

Anila, si Luy umano ang pumipirma sa mga papeles at walang kinalaman dito si Revilla.