ARMM assemblyman na tinambangan sa Davao City, kabilang sa 'narco-list'

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2018 07:09 PM

ARMM Assemblyman Sidik Amiril

DAVAO CITY - Kinumpirma ni Bureau of Corrections chief Ronald dela Rosa na kabilang sa listahan ng umano'y "narco-politicians" o mga pulitikong sangkot umano sa ilegal na droga si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Assemblyman Sidik Amiril.

Ayon kay Dela Rosa, isa si Amiril sa mga mino-monitor ng pulisya sa Cotabato area noong siya pa ang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Tinambangan ang sasakyan ni Amiril sa Davao City Lunes, sa parehong araw kung kailan rin pinatay si Tanauan City Mayor Antonio Halili habang nasa flag ceremony.

Kabilang rin si Halili sa listahan ng umano'y "narco-politicians."

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung may kinalaman sa ilegal na droga ang nangyaring pananambang kay Amiril.

Ipinag-utos na rin ni Chief Supt. Manuel Gaerlan, hepe ng Police Regional Office XI, ang pagbuo ng special investigation task group na siyang tututok sa imbestigasyon ng pag-ambush kay Amiril.

"But we are also looking at the angle kasi nagpapagamot siya rito, mayroon siyang previous gunshot wound sa paa. This is the subject of our investigation then to check on the background para malaman natin kung ano bang motibo ng alleged ambush sa kaniya," ani Gaerlan.

Martes ng umaga nang balikan ng pulisya ang lugar na pinangyarihan ng insidente. Inalam rin nila kung may CCTV na maaring nakakuha sa pangyayari.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na maliban sa silver na van, mayroon pang isang armadong lalaking sakay ng motorsiklo na nagsilbing back-up sa pananambang.

Nakalabas na nitong araw si Amiril mula sa ospital. Nadala na rin sa North Cotabato ang bangkay ng tauhan nitong si Verie Adas na nasawi sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.