PNP, binalewala na nagnegatibo sa droga ang Bulacan massacre suspect

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 04:23 PM | Updated as of Jul 04 2017 03:27 AM

Nanindigan ang Central Luzon police na malakas ang kanilang kaso laban sa suspek sa pagpatay sa limang magkakaanak sa San Jose Del Monte, Bulacan, sa kabila ng pagnegatibo nito sa drug test. 

Sa panayam ng DZMM kay Chief Superintendent Aaron Aquino, regional director ng Philippine National Police-Central Luzon, tiniyak niyang kahit walang abogado noong una ang suspek na si Carmelino Ibañez, magagamit pa rin sa korte ang una niyang pahayag dahil binitawan ito sa harap ng media.

Dapat ay may patnubay ng abogado ang anumang salaysay na bibitiwan, mapa-suspek man o biktima.

Hindi rin naniniwala si Aquino na makaaapekto sa kaso ang negatibong resulta ng drug test ng suspek.

“Napakalakas ng ebidensiya sa kanya. Mayroong corroborating evidence, mayroong physical evidence, lahat ng klaseng ebidensiya may extra-judicial confession po siya," ani Aquino. 

Para rin kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa, hindi mahalagang isalang pang muli sa drug test si Ibañez dahil umamin na siya sa paggamit ng shabu bago nito ginawa ang krimen. 

Hindi naman daw kaso sa droga ang kinahaharap ng suspek kundi kasong 'murder'.

Nagbigay din ng mga posibleng dahilan ang pinuno ng PNP kung bakit nag-negatibo sa drug test ang umaming suspek.

"Posible na iyong drugs na ginamit niya ay mahina ang quality o mababa ang quantity," ani Dela Rosa. 

Dagdag ni Dela Rosa, nangyari ang drug test lagpas 48 oras matapos gumamit ng shabu ang suspek. Makakaya lang ma-detect ng urinalysis ang droga sa katawan sa loob ng 48 hours matapos itong gamitin.

Una nang inamin ni Ibañez na lasing siya at naka-droga nang pinatay niya ang magkakaanak na sina Estrella Carlos, Aurora Dizon, at tatlong bata. 

Papasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa Bulacan massacre batay sa utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Pinakilos na ng kalihim ang NBI para sa hiwalay na pagsisiyasat at pagbuo ng kaso sa nabanggit na krimen.

Nakatakdang ihatid sa huling hantungan ang labi ng limang biktima sa Miyerkoles.

-- may ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.