PatrolPH

Kulungan para kay Imee Marcos, CA justices, inihahanda

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 07:46 PM

Inihahanda na ng Kamara ang maaaring maging detention center nina Ilocos Norte Governor Imee Marcos at ng tatlong mahistrado ng Court of Appeals.

Nagbanta na kasi ang Kamara na ipaaaresto ang gobernadora kapag hindi siya sumipot sa July 25 na pagdinig ng mababang kapulungan tungkol sa umano’y pagwawaldas ng P66 milyong excise tax ng kaniyang probinsiya sa pagbili ng bus at multicab nang walang isinasagawang bidding.

Nauna nang nagsabi si Imee Marcos na hindi dadalo sa imbestigasyon gaya nang ipinayo sa kaniya ng kapatid na si Bongbong Marcos.

Sakaling madetine, mananatili ang gobernadora sa kuwartong may sukat na 80 square meters na nasa ikatlong palapag ng plenary hall ng Batasan Pambansa. Walang bintana ang kuwarto. May sariling banyo ang kuwarto pero nilalagyan pa ng paliguan. Lalagyan pa rin ng kama ang kuwarto pero puwede rin naman daw magdala ng sariling kama si Marcos. 

Kapag nagkataon, si Imee ang kauna-unahang Marcos na makukulong. 

Wala pang bagong pahayag si Marcos kaugnay nito, pero dati nang sinabi ng gobernadora at isang political analyst na may kinalaman ang imbestigasyon ng Kamara sa napipintong tunggalian ng pamilya Marcos at pamilya Fariñas sa Halalan 2019. 

Sinimulan ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang nasabing imbestigasyon sa Kamara.

Mistulang magsasalpukan din ang magkapantay na sangay ng lehislatura at hudikatura sa isyu naman ng mga mahistrado ng CA.

Nag-ugat ang alingasngas nang palayain ng Korte ang tinaguriang ‘Ilocos 6’ o ang anim na provincial employees ng Ilocos Norte na dinetine ng Kamara dahil ayaw sumagot sa tanong ng mga mambabatas.

Plano ng Kamara na maglabas ng ‘show cause order’ kina CA Justices Stephen Cruz, Edwin Sorongon At Nina Antonio-Valenzuela.

Kapag nagkataon, madedetine sila sa kuwartong mas maliit kumpara sa inilaan para kay Marcos. May bintana ang kuwarto at may sariling toilet at shower. 

Pinag-aaralan din ng Kamara na ipa-impeach si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung makumpirma ang usap-usapang inutusan niya ang CA Justices na huwag sumunod sa Kamara.

Wala pang bagong pahayag ang Korte Suprema kaugnay nito.

Sa isang pahayag naman, ipinaalala ni Court of Appeals Presiding Justice Andres Reyes ang ‘separation of powers’ o ang hiwalay na kapangyarihang ikinaloob ng Saligang Batas sa bawat sangay ng gobyerno kabilang na ang Kamara.

Kung tutuluyan ng Kamara si Marcos at ang mga mahistrado, kakailanganin nila ang tulong ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa ilalim ni Pangulong Duterte.

Ayon sa political analyst na si Ranjit Rye, hindi pabor kay Pangulong Duterte kung may kakampihan siya sa mga nagbabangayang kaalyado lalo pa at kailangan ng Presidente ng buong suporta ng kaniyang koalisyon.

Hanggang ngayon, wala pa ring pahayag ang Pangulo tungkol sa isyu.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.