PatrolPH

Estudyante patay sa rambol sa bar sa Davao; police staff suspek sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2022 05:05 PM | Updated as of Jul 02 2022 06:16 PM


Patay ang isang estudyante matapos masangkot sa rambulan sa isang bar sa Davao City alas 12:50 ng madaling araw, Hulyo 2, 2022 sa J. Camus extension sa Barangay 9-A.

Kinilala ng San Pedro Police Station 2 ang biktima na si Amir Pulanon Mangacop, 21 anyos at residente ng Bacaca Barangay 19-B.

Base sa imbestigasyon ng San Pedro Police Station 2, nagrambol sa lugar ang dalawang grupo ng mga lalaki na pawang mga nakainom.

Sinita sila ng pulis na dumating sa lugar, pero hindi nagpapigil ang mga ito, ang grupo ng biktima ay binugbog ang isang lalaki sa grupong kanilang nakaaway.

Dahil dito, bigla bumunot ng baril ang lalaking binugbog at binaril ang biktima sa iba't-ibang bahagi ng katawan. Agad naaresto ang suspek.

Dinala ang biktima sa ospital pero idineklara itong dead on arrival ng doktor. 

Ang suspek ay isang non-uniformed personnel doctor ng Police Regional Office XI at nasa kustodiya na ng San Pedro Police Station 2.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang registered .9mm Glock 43 na may isang magazine, at narekober sa crime scene ang 9 na mga basyo ng bala.

- ulat ni Cheche Diabordo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.