PatrolPH

VIRAL: 3 pulis tumulong sa pagpapaanak sa isang palaboy sa parke sa Jaro, Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2021 04:18 PM

VIRAL: 3 pulis tumulong sa pagpapaanak sa isang palaboy sa parke sa Jaro, Iloilo 1
Tinulungan ng tatlong pulis na manganak ang isang babae sa Jaro Plaza. Napag-alaman na may diperensya sa pag-iisip ang babae at sa plaza ng Jaro na natutulog. Photo Courtesy: Jaro PNP

Pinuri ng netizens ang tatlong pulis ng Jaro Police Station matapos tulungang manganak ang isang babae sa Jaro Plaza. 

Nakilala ang tatlong pulis na sina Patrolman Venjie Nebit, Patrolman Roman Paja, at Patrolman Rico Yan Inocencio.

Ayon sa mga pulis, habang nagsasagawa sila ng beat patrol sa Jaro Plaza noong Hunyo 26, 2021, ay may narinig sila na isang babae na umaaray sa sakit at nang lapitan ay nakita nila na manganganak na ito. 

Tinulungan ng tatlong pulis kasama ang isang babae na nagtatrabaho sa lugar ang babae na manganak.

Lumabas na babae ang ipinanganak na sanggol. Matapos manganak ang babae ay kaagad nila itong dinala sa ospital.

Napag-alaman na may diperensya sa pag-iisip ang babae at sa plaza ng Jaro na natutulog.

Ang 3 pulis din mismo ang nagsilbing bantay ng babae sa ospital at sila din ang bumili sa mga pangangailangan ng mag-ina tulad ng mga gamot, gatas, diapers, at iba pa.

Nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) Jaro ang mag-ina.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa pamilya o kamag anak ng babae na maari nilang puntahan ang mag-ina sa CSWDO Jaro.

-- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.