PatrolPH

First Friday Mass sa Quiapo Church dinayo ng mga deboto

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2021 07:22 PM

First Friday Mass sa Quiapo Church dinayo ng mga deboto 1
Umabot ang dulo ng pila sa Avenida at higit isang oras ang paghihintay ng mga deboto bago marating ang Plaza Miranda. Screengrab, ABS-CBN News footage

MAYNILA — Blockbuster ang pila ng mga deboto ng Itim na Nazareno na nagsisimba ngayong Biyernes sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church.

First Friday ngayon ng Hulyo kaya naman marami na naman ang nagsisimba na hindi lang taga-Metro Manila kundi may mga taga-karatig-probinsiya pa. 

Umabot ang dulo ng pila sa Avenida at higit isang oras ang paghihintay ng mga deboto bago makarating sa Plaza Miranda.

Nagbibigay na rin ng contact tracing form sa mga nakapila.

Nasa 500 deboto lang ang puwedeng pumasok sa loob ng simbahan kada misa.

Tulungan naman ang mga pulis, barangay officials, at mga hijos del Nazareno sa pagmamando ng pila mula sa Carriedo Street kung saan ang entrance hanggang sa Plaza Miranda.

Sa Quezon Boulevard, ipinagbabawal pa rin ang pakikinig ng misa at sinisita ang ilang mga tumitigil at pinapipila na lang sila sa Carriedo Street.

Dahil may banta pa rin ng COVID-19, wala pa ring pahalik sa imahen ng Itim na Nazareno kaya tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang patanaw para sa mga deboto.

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.