Rizal Park muling binuksan pero picnic, pagtambay bawal pa rin

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 03:38 PM

Muling nagbukas noong Miyerkoles ang Rizal o Luneta Park sa Maynila matapos isara simula noong Marso dahil sa enhanced community quarantine.

Pero ayon kay National Parks Development Committee deputy executive director Jezriel Apillar, limitado lang ang oras na bukas ang parke at bawal din ang pagtambay doon.

Binuksan lang ang bahagi ng Roxas Boulevard hanggang Maria Orosa Street para sa mga mag-ehersisyo at mga aktibidad tulad ng cycling, jogging, at paglalakad kasama ang mga pet.

Ipinagbabawal din umano ang pag-picnic sa park.

Limitado na rin sa hanggang 1,000 tao ang puwedeng papasukin sa park kada araw mula sa 10,000 bago ang pandemya.

Papasok ng parke, may waiting area dahil limitado lang ang puwedeng pumasok.

Maghuhugas ang mga bisita ng kamay sa wash station bago pumasok at magkakaroon din ng temperature check.

Kailangan ding naka-face mask ang mga pumupunta sa park.

Ipinagbabawal din ang mga senior citizen sa park.

Isinailalim ang buong Luzon, kasama ang Metro Manila, sa enhanced community quarantine noong Marso para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Noong Hunyo, isinailalim ang Kamaynilaan sa mas maluwag na general community quarantine.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.