Mga patakaran sa pagbabalik-pasada ng mga jeep inilatag na ng LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 06:45 PM | Updated as of Jul 02 2020 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Matapos ang apat na buwang paghihintay, papasada na ang higit 6,000 tradisyunal na jeep na may 47 na ruta simula Biyernes, Hulyo 3. 

Pero kasabay nito, naglatag ng mga panuntunan ang Land Transport Franchising and Regulatory Board bago makapasada. 

Habang nakapila sa mga himpilan, kinakailangang pumirma ng form sa terminal para sa posibleng contact tracing. 

Magbabayad naman bago umakyat ang mga pasahero, at kinakailangang mag-alcohol sa kamay bago umakyat. 

Kukunin din ang body temperature at may mga foot bath dapat. 

At imbis na 24 ang sakay, 11 na lang ang maaaring sumakay sa jeep para mapanatili ang physical distancing. 

Kailangan ding may Personal Passenger Insurance Policy at naka-rehistro bilang “roadworthy” sa Land Transport Office o makapapasa sa motor vehicle inspection system. 

Dapat ding makapasa sa smoke emission test at susuriin ang preno, ilaw, seatbelt, at under chassis ng mga sasakyan. 

Kailangan ding maipaskil sa unit ang QR Code na ida-download mula sa website ng LTFRB. 

Pero ngayon, hindi na raw muna nila huhulihin ang walang QR code hanggang Linggo ngayong naka-down ang kanilang website. 

“Nalaman din po natin na down pala yung website. Not for anything but mayroon pa lang ginawang migration yung web hosting or yung server hosting. In the meantime, considering naipit tayo sa oras papayagan na po ang mga PUJ na nasa listahan, which we will post sa LTFRB kahit wala pa man ding QR code and they're allowed to run,” ani LTFRB chief Martin Delgra. 

Ayon sa grupo ng jeepney driver at operator sa Pasay, kayang-kaya nilang matugunan ang mga hinihingi ng LTFRB. 

Pero nagtataka sila kung bakit wala pa rin sila sa listahan kahit ilang buwan na silang naghahanda para sa pagpasada. 

"Nalungkot na may halong galit pa rin na bakit pili lang ang rutang bibiyahe samantalang lahat kami may kaniya-kaniyang kaldero, lahat kami nagugutom na,” ani Mar Valbuena, National President ng Manibela. 

"Sobrang nanghihinayang po kami ni isa man lang sa pinakita namin pinaghirapan namin hindi po kami napasama parang random ata yung nakita namin bibiyahe nakakalungkot ni isa sa sa amin dito sa Pasay. Sobrang laki pa po ng ginastos namin diyan," dagdag niya. 

Ayon sa LTFRB madadagdagan pa ang mga papayagang ruta para sa mga tradisyunal na jeep sa mga susunod na araw. — Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.