Mga awtoridad nagbabala vs naglilipanang illegal online gambling sites

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 06:35 PM

MANILA - Nagbabala ang mga awtoridad laban sa paglipana umano ng mga illegal online gaming sites sa mga online platform. 

Ito ay matapos matukoy ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ang ilang illegal online gambling websites umano na nagre-recruit ng mga dealer sa Facebook. 

Ayon kay Atty. Jun Sañoza, Corporate Secretary ng PAGCOR Compliance and Governance Group, may limang website na natukoy ang PAGCOR na nagpapalaro online na masigasig manghikayat ng mga dealer at manlalaro. 

Sinasamantala umano ng mga kriminal ang pagkabagot ng publiko at ng mga parokyano ng e-games na sarado ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

"Naghihire sila ng mga employees na pwedeng maging dealers sa online casino and then may mga agent sila soliciting players na maglaro doon sa website," ani Sañoza. 

"PAGCOR has never issued any PAGCOR online casinos. Ang meron lang kami ay yung offshore gaming wherein foreigners lang ang puwedeng tumaya. Ito kasi yung napapansin namin ang iniinvite nila na maglaro yung mga local players so as far local players online casino is concerned wala pa kaming binibigyan ng license," dagdag niya. 

Ayon naman kay NBI Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo, maaaring mga phishing sites ang mga ito na layong makuha ang mga detalye ng credit card ng mga biktima. 

“Pwede nilang I-manipulate to make it appear na that you are losing or pwedeng umpisahan na nanalo ka muna tapos sunod-sunod na ang talo mo and at the same time considering that you are going to indicate all your financial details as to your bank accounts, credit card number pwedeng nilang gamitin yun for online transaction. That’s another way of phishing for information,” ani Lorenzo. 

Maaaring nakompromiso rin ang sistema ng mga naturang website ngayong hindi naman lisensiyado ang mga ito, ayon kay Lorenzo.

Pangamba ng PAGCOR na mahumaling dito ang mga kabataan at senior na mahikayat na gawin ang illegal online gambling. 

"Transaction on social media is the trend right now because of the situation we are in, so yun yung mga dapat talagang protektahan natin," ani Sañoza. 

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa Facebook para ma-ban na ang mga hindi lisensiyadong online gaming sites. 

— Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.