8 buwang buntis sa Ilocos Norte, positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 11:53 PM | Updated as of Jul 03 2020 12:17 AM

Isang walong buwang buntis ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Ilocos Norte.

Sa official statement ni Gov. Matthew Manotoc na naka-post sa kaniyang Facebook page, sinabi niya na ang pasyente ay isang 22- anyos na buntis mula Barangay Duripes sa bayan ng Bacarra.

Dumating siya sa lalawigan mula Metro Manila noong June 21 at agad idiniretso sa isolation unit ng nasabing barangay.

Base naman sa official statement ng alkalde ng Bacarra na si Fritzie Gapasin, bilang pagsunod sa protocol, sa ika-8 araw nito noong June 29, sumailalim ito sa rapid testing at negatibo ang resulta.

Hapon noong araw na iyon ay itinakbo ang pasyente sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City matapos pumutok ang kaniyang panubigan.

Walong buwang buntis ang pasyente, at asymptomatic umano ito.

Dahil siya ay person under quarantine, kailangan niyang dumaan sa swab test at ang resulta ay positibo ito sa COVID-19.

Ayon kay Gapasin: “Ini-schedule siya for CS (Caesarian Section), I think, pero I am sorry wala pa akong information kung kamusta ‘yung baby. Ang last nabalitaan ko is awaiting ‘yung result, sinwab ‘yung baby and wala pa akong balita if ano ‘yung resulta ng bata. Hopefully, negative kasi kawawa ‘yung baby kasi premature pa kasi 8 months pa lang ‘yung tiyan mother."

Agad nagsagawa ng contact tracing ang lokal na pamahalaan at naka-isolate na ang mga ito at sasailalim sa swab testing.

Isinailalim na sa lockdown ang Barangay Duripes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.