53 tiklo sa pagsasabong sa Valenzuela

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 11:33 PM | Updated as of Jul 03 2020 12:16 AM

MAYNILA - Kalaboso ang 53 katao na sangkot umano sa ilegal na sabong sa Barangay Ugong, Valenzuela City Huwebes ng hapon.

Ayon kay Police Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao, hepe ng Northern Police District Special Operations Unit, tumawag sa police station ang isang concerned citizen upang iulat ang sabong na nagaganap sa Lamesa St.

Nirespondehan ito ng pulisya at naabutan ang mga suspek na nagsasabong. Ang ilan, nakatakas pa.

Nakumpiska naman ang mga manok panabong, taya na aabot sa mahigit P721,000, baril, at mga bala.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa illegal cockfighting at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Pinagbabawal din ang sabong sa mga lugar na nasa general at modified general community quarantine, batay sa una nang paalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.