PatrolPH

35 nasita sa bike lane violations sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 01:20 PM

Aabot sa 35 motorista ang natiketan dahil sa iba't ibang paglabag sa pagdaan sa mga bike lane sa Quezon City noong Miyerkoles.

Sa bilang na ito, 19 na sasakyan ang natiketan dahil sa pagparada sa bike lane, ayon sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na nagkasa ng operasyong "Oplan Habol" sa Commonwealth at Quezon Avenue.

Tatlo naman ay motorsiklong hinuli dahil sa pagdaan sa bike lane at 4 ang tricycle na hinuli dahil bawal umano sila sa highway.

Siyam na motorista rin ang natiketan dahil nahuling sobra-sobra ang pasaherong nasa sasakyan, ayon sa HPG.

Ayon kay Police Col. Wilson Doromal, regional director ng HPG sa National Capital Region, marami sa mga gumagamit ng bisikleta ay walang masakyan at hindi pa bihasa sa paggamit sa naturang transportasyon.

Kaya hindi umano dapat sakupin ng iba pang motorista ang mga bike lane.

Bukod sa pagbantay sa bike lane, umiikot din ang HPG para mag-inspeksiyon sa mga bus kung sumusunod ang mga ito sa safety protocol tulad ng tamang distansiya sa pagitan ng mga pasahero.

Dumami ang gumagamit ng mga bisikleta, karamihan ay mga manggagawang papasok ng trabaho, kasunod ng pagsuspende sa pampublikong transportasyon noong panahon ng lockdown, na ibinaba para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Kahit nakabalik na sa kalsada ang ilang uri ng public transportation matapos luwagan ang quarantine measures, marami pa rin ang pinipiling magbisikleta kaya minabuti na ng mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na maglaan ng mga bike lane.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.