Opisinang halos walang laman, sumalubong sa bagong alkalde sa Misamis Or.

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 08:05 AM | Updated as of Jul 02 2019 08:12 AM

Ilang gamit lang ang natira sa mayor's office sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental. ABS-CBN News

Dinatnan ng bagong alkalde ng Tagoloan, Misamis Oriental na si Gomer Sabio na halos walang lamang gamit ang kaniyang opisina sa munisipyo, Lunes.

Ilang upuan, isang lamesa sa receiving area, at refrigerator sa kusina ang natira sa opisina kaya naman napilitan ang bagong alkalde na gamitin muna ang human resource office.

“Okay lang sa akin pero i-investigate ko talaga. I-investigate ko kung 'yung mga tables doon, 'yung mga chairs sa Mayor's office. 'Pag ang gobyerno ang may-ari noon talagang ibalik nila kasi government property 'yan,” ani Sabio.

Depensa naman ng dating alkalde na si Heckert Emano, pagmamay-ari niya ang mga kinuha niyang gamit at hindi ito galing sa pondo ng gobyerno.

Gawa umano sa pinto ng kaniyang ancestral house ang mayor's table kaya binitbit niya rin ito.

“Hindi ko sinource out ang fund na 'yun sa munisipyo. Sarili ko 'yun,” sabi ni Emano.

Dagdag niya, handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon.

Tinapos ng bagong alkalde na si Sabio ang halos 4 na dekadang pamumuno ng pamilya Emano sa bayan ng Tagoloan.

Dalawa lang sa 8 konsehal ang kaalyado niya kaya humihingi ito ng kooperasyon para maisulong ang kaniyang mga programa.

Nitong nakaraang linggo, wala ring iniwang gamit ang dating alkalde ng Cebu City para sa bagong-halal na si Edgar Labella.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.