PatrolPH

Mga isda sa West PH Sea nasa 5 taon na lang ang itatagal: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 08:39 PM

Watch more on iWantTFC

Nasa 5 taon na lang ang itatagal ng mga isda sa West Philippine Sea, ayon sa isang maritime expert.

Ito ay kung patuloy na ipatutupad ang kasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa malayang pangingisda sa West Philippine Sea, sabi ni Jay Batongbacal, direktor ng University of the Philippines (UP) Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.

"Nakita naman natin 'yong mga barko nila (China) sa pangisda, talagang industrial... Kayang-kaya nilang ubusin literally ang ating pangisdaan, maybe, in less than 5 years," ani Batongbacal.

Sa pagmo-monitor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, bumabagsak na ang produksiyon ng mga isda sa Pilipinas, lalo na sa West Philippine Sea.

Sa artikulo rin ni Gregory Polling ng Washington-based research group na Asia Maritime Transparency Initiative at Center for Strategic and International Studies, lumabas na nabawasan na ang produksiyon ng mga isda sa South China Sea ng 70 hanggang 95 porsiyento.

Ang mga nahuhuling isda ay bumaba na ng 66 hanggang 75 porsiyento, ayon sa pag-aaral. 

Nakita rin na ang nasa 300 mga Chinese vessel na nasa West Philippine sea ay nakakahuli ng 1.2 milyon metriko toneladang isda sa isang taon, higit kalahati na ng mga isda sa Spratly Islands.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, ang kasunduan sa malayang pangingisda nina Duterte at Xi ay hindi puwedeng sa salita lamang.

Dapat daw itong dumaan sa Kongreso at Senado para maging legal.

"We have to understand what are the consequences din sa atin because maraming ding contradiction to our Constitution," ani Gatchalian.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ang verbal agreement ng 2 pinuno ay nananatiling usapan lamang at hindi pa ito ipinapatupad.

Ipinaliwanag naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na mas nangingibabaw sa administrasyon ang seguridad ng mga Pilipino kaysa sa pagprotekta sa yamang-dagat.

"He (Duterte) has resorted to diplomatic negotiations," ani Panelo.

Inamin naman ni Sen. Franklin Drilon na kung umabot sa impeachment o pagpapatalsik, mahihirapang patunayan na may maling ginawa ang pangulo.

"There is no document. Now the verbal statement would be between the President and Xi Jinping. So tell me, who will be a witness to that?" ani Drilon.

Pero ayon sa grupo ng mga mangingisda, ang pagpayag ni Duterte sa mga Tsino na mangisda sa Pilipinas ay labag sa Saligang Batas at pagtataksil sa mga Pilipino, mga sapat umanong dahilan para mapatalsik ang pangulo.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.