1 tiklo, 3 pinaghahanap sa 'pagsusugal ng droga' sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 01:15 PM

Arestado ang isang lalaki habang nakatakas ang kaniyang tatlong kasamahan matapos mahulihan na may hawak na hinihinalang droga na ginawang taya sa sugal sa Guadalupe Viejo sa Makati.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police, rumo-ronda ang mga pulis sa may Laperal Compound nang may magsumbong sa kanila na may iligal na sugalan sa isang bahay. 

Nang makarating sa lugar, naaktuhan umano ang dalawang babae at dalawang lalaki na naglalaro ng Cara y cruz. 

Nakita rin umano sa bahay ang ilang sachet ng hinihinalang droga na ginamit pang taya sa sugal.

Nang aarestuhin na ang 4, nagsitakbuhan ang mga suspek pero nahuli ng mga pulis ang isa sa mga kasamahang lalaki. 

Nakuha sa kanya ang 3 sachet ng hinihinalang shabu at mga gamit pang sugal.

Nakakulong na ang lalaking suspek sa Makati City police station.  -- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.