PatrolPH

VIRAL: 3 batang nagyoyosi sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2018 08:12 PM | Updated as of Apr 01 2019 12:07 PM

Parang kendi lang kung alukin ng tatlong bata ng yosi ang isang lalaking kinuhanan sila ng video sa Santa Mesa, Maynila noong isang linggo. 

Kumalat sa social media ang video, tampok ang mga batang may edad anim hanggang siyam na taon habang humihithit ng sigarilyo.

Ang isa sa kanila ay nakasuot pa ng school uniform.

Watch more on iWantTFC

Ayon sa mga bata, ang kanilang ina at kuya ang nagturo sa kanilang manigarilyo.

Mariin namang itinanggi ng ina ang paratang ng mga bata.

"Hindi ko matanggap na magulang ako, na ganoon 'yong anak ko," sabi ni alyas "Elsa," ina ng mga bata.

"Baka daw adik daw po ako. 100 percent, wala akong bisyo," dagdag ni Elsa. 

Ayon kay Elsa, sa isang maliit na tindahan sa kalapit na barangay nabili ng mga bata ang yosi. 

Itinanggi naman ng may-ari ng tindahan na pinagbibilhan nila ng yosi ang mga menor de edad.

Tumanggi namang magpaunlak ng panayam ang pamunuan ng eskuwelahang pinapasukan ng mga bata pero tiniyak nilang oobserbahan nila ang tatlo.

Ayon naman sa Manila City Social Welfare and Development Office (CSWD), bukod sa kanila, dapat ding tumulong sa paggabay sa mga batang nalilihis ng landas ang barangay at eskuwelahan. 

"Nakakalungkot na makita na sa ganoong murang edad ay naninigarilyo sila at matapang ang kanilang pagsagot sa taong nagtatanong," sabi ni Manila CSWD officer-in-charge Nanet Tanyag. 

Titiyakin ng Manila CSWD na hindi na muling makahahawak ng sigarilyo ang tatlong bata.

Aalamin din nila kung may naging epekto ang paninigarilyo sa kalusugan ng mga ito. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.