PatrolPH

Baha sa ilang lugar sa Malabon nagsimula nang humupa

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2022 06:17 PM

Mula nitong gabi ng Huwebes ay nagsimula nang humupa ang baha sa Brgy. Hulong Duhat, Malabon City, matapos ang ilang linggong pag-apaw ng tubig sa ilang kabahayan at bakuran. 

Kaya ang mga residente ay nagsimula na ring maglinis ng kani-kanilang bakuran.

Buong araw nang nagwawalis ang streetsweeper na si Melanie Avila sa kahabaan ng General Luna Street.

Kuwento niya, noong Huwebes ng gabi ay hanggang baywang pa ang tubig sa kalsada at sa loob ng kanilang bahay.

”Ngayon po wala na pong baha dito sa amin pero kahapon po kalahating bahay po namin lubog po sa baha,” sabi ni Melanie.

Apat ang anak ni Melanie na sinaway pa niya dahil ilang araw na rin silang naglalaro sa baha.

”Yung mga anak ko nagsasawsaw na sa tubig parang ginawa nang swimming pool. Sinabihan ko na, parang awa niyo na baka ano kayo ng leptospirosis.”

Pero ipinagpapasalamat na rin niya na humupa na ang baha ngayong araw.

”Kaya ngayon nagpapasalamat ako dahil nawala na rin parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan.”

Bakas sa kanilang lugar ang naging mga pagbaha nitong mga nakalipas na ilang araw matapos masira ang flood control sa lugar.

”Katakot-takot na basura ang aming nililinis sa araw-araw na lang. Naglalaba ng basang damit, mga gamit,” kwento niya.

Ito ang unang pagkakataon sa loob ng tatlong linggo na humupa ang tubig sa lugar.

Sa ngayon, may ilang kalsada na lang ang may baha pero hindi na ito tataas pa sa gutter.

Kwento naman ni Dahlia Panganduyon, isa ring streetsweeper, 2019 pa nila huling naranasan ang mataas na pagbaha na umabot pa hanggang leeg.

”Yung last na experience ko po nung Ondoy kasi po nagtatrabaho po ako sa pabrika sa Dampalit… Bigla pong lumaki ang tubig ang lakas talaga ng paglaki ng tubig umabot hanggang sa loob ng pabrika namin,” aniya.

Napilitan din siyang maglakad pauwi dahil walang kasama ang kanyang mga anak sa bahay.

”Hanggang leeg ko po ang tubig naglakad po ako diyan sa Hulong Duhat,” kwento niya nang huli silang bahain sa lugar noong Ondoy.

Kahapon na lang nila ulit naranasan ang mataas na baha.

Ipinagpasalamat niya na wala nang baha kaya makapagtatrabaho na sila ulit at sana ay hindi na sila ulit bahain.

”Kasi po noong nakaraan, una baha pa rin pero hanggang dito lang (tumuro sa binti ) pero kahapon talaga ang pinakamalaki tapos nawala po iyon isang araw pagkinabukasan bumaha ulit, isang araw lang ang pahinga," ani Panganduyon. 

-- Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.