MAYNILA - Umarangkada na ang pagtuturok ng mga bakunang in-order ng pribadong sektor para sa mga manggagawa at miyembro ng Filipino-Chinese community matapos dumating ang bakunang na-procure nila nitong mga nagdaang linggo.
Sa Parañaque dinagsa ang pagbabakuna ng mga manggagawa at miyembro ng Filipino-Chinese community ng mahigit 500,000 doses ng Sinovac na in-order ng grupo ng mga negosyanteng Filipino-Chinese.
Kasama ang manggagawang si Virgilio Diaz at ang kaniyang mga kaopisina na pumila at magpabakuna.
"Kasi sabi ng boss lahat dapat ng trabahador magpabakuna, 'yan ang protocol natin," ani Diaz.
Pumila rin para magpabakuna ang manggagawang si Imee De La Torre, kasama ang kaniyang mga boss.
"Magiging protection po namin ito kasi frontliner kami sa essentials kailangan maging immune kami," ani De La Torre.
Posibleng may dagdag-order pa ang mga negosyanteng Filipino-Chinese kung kukulangin ang bakuna.
Handa na rin ang mga negosyante na bumili ng booster shots kung imamando ito ng gobyerno.
"Booster? As far as we are concerned, kapag sinabi ng gobyerno na necessary 'yan, we are willing to import more. The vaccine is no longer like any medical item, it's now controlled by global power, we cannot just go to the drugstore and buy it, we need to join a tripartite agreement with government," ani Francis Chua, presidente ng Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry.
Umarangkada na rin noong Lunes ang pagbabakuna ng Moderna vaccines na in-order ng isa pang grupo ng mga negosyante.
Inaasahang darating din ngayong Hunyo ang higit 1 milyong doses ng AstraZeneca na in-order ng isa pang grupo ng mga negosyante.
Pawang pang-first dose ang mga paparating na bakuna.
"We are not keeping any dose from the vaccines arriving in July anyway. AstraZeneca naman needs 8 weeks to 3 months so sa first batch pa lang mas marami na ang mababakunahan natin," ani Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion.
Nangangamba rin ang mga negosyante na makapasok sa bansa ang Delta o Delta Plus variant.
Kaya panukala ng grupo, huwag munang magpapasok ng mga dayuhang turista hanggang kakaunti pa lang ang nababakunahan.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Sinovac, AstraZeneca, Moderna, Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Francis Chua, COVID-19 vaccines, bakuna, COVID-19, TV Patrol, private sector vaccine